Linggo, Setyembre 2, 2012

Gabi

Sugat



Kailangan ka niya ngayon na. Mas higit Ka. Kailangan din ng sapat na panahon para sa lubusang  paghilom ng sugat lalo na kung ang nagtataglay nito ay isang batang inagawan ng pag-asa at karapatang lumigaya dahilan lamang sa ‘di sinasadyang pag-angkin sa kanya ng karahasan na humahantong sa ganap na niyang kabiguan na matagpuan pa ang buhay.


Lansangan ay humihinhin

Kirot ng kahapon, ’binulong ng hangin

Luha agad namalisbis

Punum-puno, batang puso ng panangis.



Hindi isang pelikula.

Nakakikilabot. Mata’y nanghuhusga.

Bang! Pulang likido: Nanay.

Do’n sa’min sa Midsayap, ang gabi’y lamay.



Tatay, tumakas. May baril.

Lungkot, ‘di kaya ng luhang butil butil.

Sikmura ay kumakalam

Di na napigil si Bunsong magpaalam.



Rubgy, ginawang panakip

Sa dibdib na napupuot, nagsisikip.

Kasiyahan, damang-dama

Sa piling ng panandaliang pantasya.



Sa’king dasal ay pangarap

Noon pa: Isang mundong mapagkalinga;

Na sa puso’y may susulyap

Ngunit tila Siya ay nahihimbing pa.



Luhang hiram, sana’y sapat

Upang sa pagtataka’t galit ilapat

At nang maibsan na lahat

Tuluyan nag maglaho ang mga lamat.



Ikaw, para mo nang awa

Ngayo’y kinakapos na itong hininga.

Mga sugat ay hilumin:

Pakiusap, ako ay iyong yakapin.







         Ang tulang ito ay kapanahunan pa ng giyera sa Mindanao partikular sa insidenteng naganap sa Midsayap---taong 2008. Sa totoo lang, hindi ko talaga alam kung paano ko ito nagawa. Ang tanging naaalala ko lang ay nanonood ako ng TV Patrol World isang gabi nang ipakita doon ang nangyaring pagpatay sa walang kamalay-malay na mga sibilyan (na malamang ay naiipit sa gulo sa pagitan ng mga militar at NPA) Marahil ay dala ng matitinding emosyon at mga katanungang tila yata wala ng kasagutan pa.. Naisip kong ibahagi ito dito sa “The Journey”  (Ang Paglalakbay) dahil sa dalawang mahahalagang rason.



        Una sa ating paglalakbay sa buhay ay may mga hindi inaasahang pangyayari at pagkakataon—mga dahilan para mawalan ng pag-asa, maging demonyo ang kinikilalang mga “anghel” at inosente ng lipunang kinabibilangan natin, at agad nang tapusin ang para sa kanila ay walang kwentang buhay. Tunay na maraming hindi maiiwasang pagkakataon upang lumiko sa maling landas—pang-aabuso(sa mga bata at babae mas madalas o di kaya ay sa mga inosente at may kapansanan lalo na kung hinihingi ng pagkakataon),
kasakiman (negosyante), pandaraya at marami pang iba. Ang mga sugat ng puso at pagkatao ay sadya nga yatang matagal maghilom. Ngunit, ating tandaan, nasa ating mga sarili pa rin iyon kung gusto na nating gumaling iyon at kung kailan natin gustong maghilom ang mga iyon –bukas makalawa o sa lalong madaling panahon. Hindi maikakailang kung minsan ang sinserong yakap kahit pa sandali lamang nangyari, ay nagtataglay ng kakaibang kapangyarihan para mapagaan ang bigat na dinadala ng katawan man o puso lalong lalo na siguro ng kaluluwang nagdurusa.

         Ikalawa, inaalay ko ito sa mga taong natinik at nasugatan habang nakikipaglakbay sa buhay—lalo na sa mga bata. Dati-rati, naalala ko pa, halos gabi-gabi kong hinihiling sa Kanya na sana ay habambuhay na lamang akong bata—malayo sa mga pasakit ng mundo at problema, inosente at puro kasiyahan at laro lamang ang nalalamang gawin. Pero, habang tumatagal ay natutuklasan ko na kung bakit hindi pwede. Ang paglalakbay ay pag-usad. Minsan kailangang bumalik pero mas madalas, kailangan mong humakbang
patungo sa katapusan. Naisip kong ang bata ay kailanman hindi magiging matapang na  sumubok maglakad mag-isa kung hindi mo siya hahayaang mag-isang humakbang. Habang kailangan niya ng masusing gabay, kailangan din niyang matutunang tumayo sa sarili niyang mga paa. Ang mahina niyang tuhod kapag nasusugatan o nadadapa ay nagiging matibay at mas lumalakas. Naiipon ang mga kaalamang nagiging istratehiya upang makaiwas kung hindi man ay mabawasan ang sakit ng muling pagkakadapa at daan na rin para sa paghahanda sa panibagong paghakbang. Gustuhin man ng isang ina o ama na ilayo sa mga sakit (at
pasakit) ang kanyang anak ay hindi maaari pagkat bahagi iyon ng tinatawag na “survival” at “growth” nito. Isang paghahanda lamang para makayanan ang mas malalaking sakit na maaari pang dumapo pisikal man, emosyonal o panlipunang aspeto na malaking bahagi at makaiimpluwensiya nang husto sa kanyang  patuloy na pakikipagsapalaran sa buhay. Hindi tayo habambuhay na bata at hindi rin habang buhay na maglalakbay dito. Susukatin lamang ang iyong katatagan at determinasyong makarating sa dulo kasabay ng paghulma
ng iyong karakter na ipagmamalaki mong iharap sa Kanya balang araw. Marami mang kabiguan at kalugmukan ang kailangan pagdaanan, iba pa rin ang pakiramdam na napagtagumpayan mo ang mga ito. Yun bang oras na makita mo’ng  tila yata tumatanda ka na, dumarami na ang uban mo,  kumukulubot ang balat mo, oo may takot, malaking malaki pero mas madalas parang nangingibabaw ang pakiramdam ng kakuntentuhan at di maipaliwanag na kasiyahan..yun bang habang nadadagdagan ang edad mo ay lumalago ka..ang iyong pagkatao, ang katuturan mo bilang isang tao at unti-unti mong natutuklasan ang “buhay”… at pagdating ng tamang panahon na kukupas na ang ganda at kakisigan mo, mauubos na ang lakas mo, mayroon kang mababaon na mga alaala ng iyong nakaraang paglalakbay. Totoo, maraming dadaanang kabiguan, kalungkutan at panghihinayang kasabay ng ginhawa at saya. Pero ang tiyak, ang pinaka hindi mo malilimutan ay ang ganda ng kakaibang pakiramdam na aywan nga ba kung saan nanggagaling---ang kahiwagaan ng Ang Paglalakbay.